Tuesday, June 8, 2010

Teks/Text

TEKS

Noong bata pa tayo, naging laman tayo ng kalsada. Tuwing summer vacation, suki tayo ng mga tindahan sa pagbili natin ng chichirya, kendi at teks. Yung maliit na piraso ng papel na naglalaman ng kung sinu-sinong anime or japanese series character. Matapos matulog o piliting matulog sa hapon, magmeryenda tatakbo na tayo sa labas ng bahay at hahanapin ang tropa. Bitbit ang isang dangkal ng teks, naghamon tayo ng away sa kapitbahay. Hawak mo ang isang pirasong papel na tinawag mong "panira" na minahal mo ng higit sa iba. Maingay ang kalsada sa tawa at sigawan ng iba't ibang klase ng bata. May batang hindi ininda ang sipon para lang makapaglaro sa labas, may batang nanlilimahid na, may batang siga na hindi pa naliligo, may batang tahimik pero malupit sa paghagis ng teks sa ere.

Sa bawat pag chub o cha ng mga papel, nabuo ang ilang samahan. Mga pagkakaibigang di mapapalitan, mga alaalang hindi mabubura at mga relasyong hindi mabubuwag ilang beses man mag-amok ng suntukan ang batang uhugin sa kanto.

Nagkakaroon ng samu-t saring sakit matapos magbilad ng isang araw sa kalsada. Nagkasore eyes, kuto, galis, sipon, ubo, lagnat kapalit ng isang masayang hapon sa kalsada.

Naranasan din natin ang manalo, matalo at madaya sa paglalaro ng teks. Dito tayo natutong sumugal, mandaya at magsinungaling sa kapwa at ating mga sarili. Dito nasubukan ang lakas ng loob natin na lumaban kahit garampot lang ang teksat ang sa kalaban ay dalawang dangkal. Dito nasubukan ang kakayahan nating tumakas sa ating mga magulang, magsinungaling na natulog na tayo pero ang totoo pumikit lng tayo. Dito nasubok ng pasensya natin sa tila mabagal na usad ng mga kamay ng relo. Natuto tayong maiinggit sa kapitbahay na kanina pa naglalaro sa labas, at kating-kati na tayo tumakbo at magtatalon sa labas.

Matapos ang paglalaro ng teks sa labas, sumugal at manalo uuwi na tayo dahil hapunan na. May ilang batang umuuwing masaya, may iba luhaan at may iba masaya nang dumating sa bahay pero luhaan na matapos ang ilang minuto.

Ang batang umuuwi ng masaya at maya-maya'y iiyak ang pinakamalungkot sa lahat. Yakap ang ilang dangkal ng teks, pumasok sa bahay at makakasalubong si Inay na hawak ang tsinelas. Magtatanong ng "SAN KA NA NAMAN GALING?" Pagagalitan at papaluin tapos tapos na.

Pero may batang pinalo, tinanong nang "SAN KA NA NAMAN GALING? ANG BATA BATA MO PA SUGAROL KA NA! AKIN NA YANG TEKS MO!" At sa harap ng bata susunugin ang isang dngkalng teks na isang araw niyang pinaghirapang ipanalo. Ang teks na sumubok ng kanyang tapang at galing. Ang piraso ng mga papel na nagpatibay ng samahan at bumuo ng mga pagkakaibigan ang mauuwi lang sa abo dahil minalas siyang galit na galit ng nanay niya dahil nalukangan sa romansa ni Itay.