Alam mo bang crush na crush kita sa tuwing nag-uusap tayo ng mga makabuluhang bagay na may kinalaman sa lipunan? Sa bawat teorya at konsepto na binibitawan mo, buong lakas akong nakikinig sa matamis mong boses na puno ng galak. Buong hanga akong nakikinig sa mga siyentipikong katotohanan na binabahagi mo. Binibigyan mo ng linaw ang mga bagay na hirap akong unawain, binabato mo ng sagot ang mga tanong kong nakalutang sa hangin. At parang isang dalubhasa, tinutulungan mo akong hanapin ang mga sagot sa ilalim ng mga bituwin. Patawad dahil kahit ilang beses mo ituro at ibahagi sa akin ang agham ng pag-ibig, bobo pa rin ako.
Alam mo bang masaya ako kapag pinipinta mo sa aking isipan ang kasaysayan ng mundo? Nabubuhay sa harap ko ang lahat sa paghibla mo ng nakaraan at nang kasalukuyan. Iginuguhit mo sa aking mga mata ang mga katotohanang itinago sa akin ng gobyerno, ginuguhit mo ang mga kaganapan sa kasaysayan na hindi isinulat sa libro.
Alam mo bang hinahangaan kita sa tuwing ipinapakita mo sa akin ang sining ng mundo? Parati kang may ibabahaging kaalaman sa bawat dula na itinanghal sa entablado. Natutunan ko na ring mahalin ang teatro dahil bukas-loob mo akong sinama sa mundong iyon.
Alam mo bang minsan ay kinakabahan ako kapag nag-uusap na tayo ng mga konsepto ng agham panlipunan at gobyerno? Dahil nakikita ko at nararamdaman ang nangyayari sa lipunang kinabibilangan natin. Dahil anumang oras maaari tayong madakip hindi dahil sa subersibo nating pananaw kundi marami tayong nabasa at nakitang artikulong ipinagbabawal.
Alam mo bang namamangha ako sa iyo sa tuwing may ibinabahagi kang kaalaman na wala sa mga libro sa library at sa bookstore? Magaling ka manaliksik at tumuklas ng mga bagay. Marunong kang maghanap ng literatura at impormasyong may kinalaman sa buhay at sa mundo.
Alam mo bang pangarap ko na sana ang magiging anak ko ay katulad mo? Na sana ituturo mo rin sa kanya ang mga bagay na binahagi mo sa akin. Na sa pagdating ng panahon, ikaw ang maging guro niya at sabay kayong tutuklas ng mga misteryo sa mundong ibabaw.
Sana ay di ka magsawang makipagdebate sa akin. Sana ay hindi ka mapagod sa mga diskusyon natin, na kahit bawal na tayo sa kape o sa matatamis ay patuloy pa rin tayong mag-"intellectual intercourse."
Sana malaman mo...
No comments:
Post a Comment