Ilang oras na lang at parating na siya. Dumadami na ang putukan sa labas, na pilit na tinatabunan ang mga nagsisigawang sirena na nagmamadaling magligtas ng umaapoy na bahay. Hinihintay kong mag alas dose para makatulog na ako at makapag-umpisa na ng mga bagong gawain bukas.
Marami akong hinihintay ngayon. Ang online status ng ate ko sa yahoo messenger; ang text ni B na hindi ko alam kung darating pa; ang ring ng telepono at ang “hello” ni kuya; ang sigawan sa labas ng happy new year; ang confirmation message ng globe na pwede na akong magunlimited texting; at higit sa lahat, si 2010.
Si 2010 ang bagong buhay ko, ang panibagong kabanata sa buhay ni Grace. Hindi ko alam ko ano ang isusulat ko sa pahina sa ilalim ni 2010, pero umaasa at nangangarap akong marami akong maitatala. Mga talaang puno ng saya, konting lungkot at maraming leksiyon.
Ito na yata ang pinakamalungkot kong New Year’s Eve. Isa sa dahilan ang kauna-unahang pagkakataon na hindi kami kumpleto sa bahay. Ganito pala ang pakiramdam ng isang pamilyang may OFW. Akala ko overrated lang si Mother Lily sa mga pelikulang prinoduce niya. May internet, texting at landline kami na pilit pinapaliit ang distansya; malaking tulong ang webcam na patuloy na nagpapaliit sa mundo, pero paano na ang kalahati ng mga pamilyang Pilipino na walang access sa mga ganitong bagay? Paano ang New Year nila? Katulad ko rin ba silang naghihintay?
Hindi lang ako ang naghihintay. Alam ko ang lungkot ng isang empleyadong kinakailangang pumasok sa gabi ng December 31. Sayang. Nabibingi sila sa tawag galing sa kabilang ibayo, at hindi ng mga paputok at tawanan sa bahay. Naghihintay din sila, pero sa New Year ng ibang bansa.
Pangalawa, naghihintay ako sa hindi ko alam kung darating pa. Iyon ang pinakamahirap, iyong alam mo o pinapaniwala sayong hindi na siya darating. Baka kasama na ako sa 2009 na iiwan niya. Hindi ko alam. Basta hindi ko siya iiwan sa 2009. Naririnig ko na naman ang mga sirena sa gitna ng videoke at tawanan sa kapitbahay. Sana tumigil na sila at kinakabahan ako. Sana dumating na si 2010 at kinakabahan ako sa kanyang pagdating. At para mabawasan na ang mga hinihintay ko.
Natakpan na ng usok ang magandang buwan na siya sanang magbibigay ilaw sa atin ngayong gabi. Kasabay ng bilog na buwan ang mga pagbabago at pagbabagong-anyo ng buhay ko. Baka umungol na lang ako, total wala namang makakarinig sa dami ng ingay sa paligid.
No comments:
Post a Comment